Bagyong #RamonPH napanatili ang lakas, tinutumbok ang Babuyan Islands

Napanatili ng Typhoon Ramon ang lakas nito ngunit nagbago ng direksyon patungong Babuyan Islands.

Ayon sa 2am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 125 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Aparri, Cagayan o 135 kilometro Silangan Timog-Silangan ng Calayan Cagayan.

Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 150 kilometro bawat oras.

Kumikilos na ito sa direksyong Kanluran Hilagang-Kanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras.

Ayon sa weather bureau, tatama ngayong araw sa Babuyan Islands ang bagyo.

Gayunman, inaasahang hihina ito matapos mag-landfall dahil sa land interaction at northeast monsoon o Amihan.

Nakataas ang Tropical Cyclone Warning Signal no. 3 sa northern portion ng Cagayan (Santa Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Aparri, Calayan, Camalaniugan, Buguey, Santa Teresita, Gonzaga, at Santa Ana).

Signal no. 2 sa Batanes, nalalabing bahagi ng Cagayan, northern portion ng Isabela (Sta. Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Sto. Tomas, Quezon, Delfin Albano, Tumauini, and Divilacan), Apayao, Kalinga, at Ilocos Norte.

Nasa ilalim naman ng signal no. 1 ang Ilocos Sur, Abra, Mountain Province, Benguet, Ifugao, La Union, Pangasinan, at nalalabing bahagi ng Isabela.

Madalas hanggang tuloy-tuloy na malalakas na pag-ulan ang inaasahan ngayong araw sa Batanes, northern portion ng Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Apayao at northern portion ng Ilocos Norte.

Mahina hanggang katamtaman na may putol-putol na malakas na pag-ulan ang iiral sa northern portion ng Isabela, Kalinga, Abra, nalalabing bahagi ng Cagayan at Ilocos Sur.

Pinag-iingat ang mga residente sa nasabing mga lugar sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Nakataas ang gale warning at nananatiling mapanganib ang paglalayag sa mga baybaying dagat sa lugar na nasa storm warning signals at western seaboard ng Zambales at Bataan.

Samantala, ang binabantayang low pressure area (LPA) ay huling namataan sa layong 1,105 kilometro Silangan ng Eastern Visayas.
Inaasahang papasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang LPA ngayong umaga at magiging ganap na bagyo sa loob ng 24 oras.

Read more...