Bagyong #RamonPH nasa Typhoon category na; signal no.3 itinaas sa Northern Cagayan

Lumakas pa ang Bagyong Ramon at naging isang Typhoon habang patuloy na nagbabadya sa Cagayan.

Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 135 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng ng Aparri, Cagayan o 145 km Silangan Timog-Silangan ng Calayan, Cagayan.

Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 150 kilometro kada oras.

Kumikilos ang bagyo pa Hilagang-Kanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras.

Inaasahan itong tatama sa Babuyan Islands o Sta. Ana Cagayan sa pagitan ng ngayong gabi o bukas ng umaga.

Dahil sa paglakas ng bagyo, itinaas na ang Tropical Cyclone Warning Signal no.3 sa Northern portion ng Cagayan (Santa Praxedes, Claveria, Sanchez Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Aparri, Calayan, Camalaniugan, Buguey, Santa Teresita, Gonzaga, at Santa Ana)

Signal no. 2 naman sa nalalabing bahagi ng Cagayan, northern portion ng Isabela (Sta. Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Sto. Tomas, Quezon, Delfin Albano, Tumauini, and Divilacan), Apayao, Kalinga, at Ilocos Norte.

Nasa signal no. 1 naman ang Batanes, Ilocos Sur, Abra, Mountain Province, Benguet, Ifugao, La Union, Pangasinan, at nalalabing bahagi ng Isabela.

Ngayong gabi hanggang bukas ng umaga makararanas ng katamtaman hanggang sa madalas na malalakas na pag-ulan ang Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Batanes, Apayao, at northern portion ng Ilocos Norte.

Mahina hanggang katamtaman na may posibilidad din ng malalakas na ulan ang mararanasan sa Isabela, Kalinga, Abra at nalalabing bahagi ng Ilocos Norte.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga delikadong lugar sa posibilidad ng landslides at flashfloods.

Sa Huwebes ng gabi ay inaasahang magiging low pressure area (LPA) na lamang ang Bagyong Ramon at lalabas na rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ang LPA naman na nasa layong 1,210 kilometro Silangan ng Eastern Visayas ay patuloy na binabantayan at inaasahang papasok ng PAR sa loob ng 24 oras.

Tinatayang magiging bagong bagyo ang LPA sa loob ng 48 oras.

Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng mga lugar na nasa storm signals at mga baybaying dagat ng Aurora, Quezon kasama ang Polillo Island, Camarines Norte at Camarines Sur.

Read more...