4 na kontrata para sa iba’t ibang improvement projects sa MRT, nai-award na ng DOTC

mrt-0823Nai-award na ng Department of Transportation and Communications (DOTC) sa apat na magkakaibang kumpanya ang apat na improvement contracts para sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Ang nasabing mga kontrata ay nagkakahalaga ng kabuuang P142.37 million.

Ayon sa DOTC, ang mga proyekto ay layong mabigyan ang mga pasahero ng MRT ng mas maayos na commuting experience.

Isa sa mga kontrata ay nai-award sa kumpanyang Innovalite Electrical Enterprise para sa paglalagay ng mga industrial fans sa mga istasyon ng MRT.

Nagkakahalaga ng P2.10-million ang nasabing kontrata para sa ventilation equipment na ilalagay sa mga platforms at inaasahang matatapos sa llob ng 90 araw matapos maipalabas ang
Notice to Proceed (NTP).

Sa kumpanyang Ad Lib-YongJi Joint Venture naman nai-award ang P79.86 million na halaga ng kontrata para sa bagong traction motors na ipapalit sa mga lumang-luma nang rotational spares.

Bagaman mas latest, sinabi ng DOTC na pareho lamang ang performance specification ng mga ipapalit na traction motors na kinakailangan namang matapos ikabit sa loob ng 300 calendar days.

Bibili din ng DOTC ng bagong multi-purpose road-rail vehicle na gagamitin naman sa maintenance ng overhead catenary system o ang overhead wires sa MRT.

Ang Joint Venture ng Kempal Construction ang Supply Corporation at Maquinaria del Eo naman ang nanalong bidder para sa nasabing road-rail vehicle na nagkakahalaga ng P46.39-million contract.

Samantala sa ika-apat na kontrata, ini-award ng DOTC sa Lead Core Technology System Inc., ang P14.02 million na halaga ng proyekto para sa pagsu-suplay ng baterya upang matiyak na hindi maaantala ang signaling system ng MRT-3 kapag nawawalan ng kuryente.

Ayon sa DOTC, 180 units ng baterya sa bawat istasyon at sa depot ang kinakailangang mai-suplay ng kumpanya sa buwan ng Marso.

Read more...