Pole fire sa Iloilo, itinanggi ng PECO na sila ang may kagagawan

Dumepensa ang Panay Electric Company (PECO) sa akusasyong sila ang may kasalanan ss mga nangyaring pole fire sa Iloilo.

Sa post fire comprehensive report na isinumite ng PECO sa Energy Regulatory Commission (ERC), nakasaad na apat sa limang pole fire sa Iloilo ay sa mga pole na pag-aari ng telecommunications companies.

Taliwas ito sa mga lumabas na ulat na may kinalaman umano ang PECO sa 700 pole fires na naganap sa lungsod.

Paglilinaw pa ng PECO, batay sa rekord mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) mula 2017 hanggang 2019 ay 709 post fires ang naitala sa Iloilo at 138 lang rito ang nasangkot ang poste ng PECO.

Habang ang 571 pole fires ay dahil sa mga telco.

Dagdag pa ni PECO head of public engagement and government affairs Marcelo Cacho, ilan pa sa pinagmulan ng sunog ay mga secondary line, leak o depektibong transformer, iligal na koneksyon at minsan ay dahil sa force majeure o masamang panahon.

Ang nangyaring blackout umano sa Panay Island at magkakasunod na sunog sa mga poste ay wala sa kontrol ng PECO pero nagamit ito para umano sila siraan.

Tiniyak ni Cacho na ginagawa ng PECO ang lahat para matugunan at masolusyunan ang problema sa lalong madaling panahon.

Read more...