Signal #2 itinaas sa mas maraming lugar sa Norte dahil sa bagyong Ramon; LPA sa labas ng bansa posibleng maging bagyo

Napanatili ng Tropical Storm Ramon habang patuloy na kumikilos papalapit sa Northern Cagayan.

Ayon sa 11am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 160 kilometers East North East ng Tuguegarao City, Cagayan.

Taglay na nito ngayon ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 105 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito pa-Hilagang-Kanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras.

Tatama ang Bagyong Ramon sa Northern Cagayan sa pagitan ng mamayang gabi o bukas ng madaling-araw.

Nakataas ngayon ang Tropical Cyclone Warning Signal (TCWS) no. 2 sa sumusunod na lugar
– Cagayan kasama ang Babuyan Islands
– northern portion ng Isabela (Sta. Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Sto. Tomas, Quezon, Delfino Albano, Tumauini at Divilacan)
– Apayao
– Kalinga
– northern portion ng Ilocos Norte (Pagudpud, Burgos, Bangui, Dumalney at Adams

Signal no. 1 naman ang nakataas sa sumusunod na lugar:
– Batanes
– nalalabing bahagi ng Ilocos Norte
– Ilocos Sur
– Abra
– Mountain Province
– Ifugao
– Northern Aurora (partikular sa Dilasag, Casiguran at Dinalungan
– at nalalabing bahagi ng Isabela

Ngayong hapon inaasahan ang mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay malakas na pag-ulan sa eastern portions ng mainland Cagayan at Isabela.

Mahina hanggang katatamtaman na may posibilidad din ng malakas na ulan ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng mainland Cagayan, Isabela, Babuyan Islands, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Abra at Ilocos Norte.

Mamayang gabi, katamtaman hanggang sa madalas na malalakas na pag-ulan na ang posibleng maranasan sa Cagayan kasama ang Babuyan Islands at Apayao.

Pinag-iingat ang mga residente sa posibilidad ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.

Bago mag-landfall ay lalakas pa ang bagyong Ramon.

Samantala isang Low Pressure Area (LPA) pa ang binababantayan ng PAGASA sa labas ng bansa.

Huli itong namataan sa layong 1,605 kilometers Eeast ng Eastern Visayas.

Inaasahan itong papasok sa bansa sa susunod na 24 na oras at magiging isang ganap na bagyo.

Read more...