Naging tensyonado ang isinagawang operasyon ng Department Social Welfare and Development (DSWD) at ng mga pulis sa mga street dwellers na natutulog sa lansangan sa Maynila.
Ito ay matapos tumanggi ang ilan sa mga street dwellers na sumama sa mga otoridad sa katwirang hindi umano sila naninirahan sa lansangan at sa halip ay nagtitinda lamang o di kaya ay nagpapahinga lamang doon.
Ang operasyon ay isinagawa sa palibot ng Ospital ng Maynila at sa service road ng Roxas Boulevard.
Isang babae pa ang humawak ng kutsilyo at nagbanta sa mga tauhan ng DSWD at Manila Police District (MPD) na tatpausin niya ang kaniyang buhay kapag hindi siya hinayaan na manatili sa lugar.
Umabot sa 39 na indibidwal ang nadampot ng mga otoridad sa nasbaing operasyon.
Karamihan sa mga pinagdadampot ay mga menor de edad na nahulihan pa ng mga patalim.
Bukod sa patalim nakakumpiska ang mga awtoridad ng mga toy gun at paninda.
Ayon sa mga tauhan ng DSWD, ang iba sa mga nadampot ay naging parte na rin noong ng kanilang operasyon at nabigyan ng tulong, pero muling bumalik sa lansangan.
Dadalhin sa boystown at sa facility ng DSWD ang mga pinagdadampot na street dwellers.