Ayon sa 8am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 190 kilometro Silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay na nito ngayon ang lakas ng hanging aabot sa 85 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 105 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito pa-Hilagang-Kanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras.
Tatama ang Bagyong Ramon sa Northern Cagayan sa pagitan ng mamayang gabi o bukas ng madaling-araw.
Nakataas ngayon ang Tropical Cyclone Warning Signal (TCWS) no. 2 sa sumusunod na lugar
– Cagayan kasama ang Babuyan Islands
– northern portion ng Isabela (partikular sa Sta. Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Sto. Tomas, Quezon, Delfino Albano, Tumauini at Divilacan)
– Apayao
– Kalinga
Signal no. 1 naman ang nakataas sa sumusunod na lugar:
– Batanes
– Ilocos Norte
– Ilocos Sur
Abra
– Mountain Province
– Ifugao
– Northern Aurora (partikular sa Dilasag, Casiguran at Dinalungan
– at nalalabing bahagi ng Isabela
Ngayong umaga hanggang hapon inaasahan ang mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay malakas na pag-ulan sa eastern portions ng mainland Cagayan at Isabela.
Mahina hanggang katatamtaman na may posibilidad din ng malakas na ulan ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng mainland Cagayan, Isabela, Babuyan Islands, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Abra at Ilocos Norte.
Mamayang gabi, katamtaman hanggang sa madalas na malalakas na pag-ulan na ang posibleng maranasan sa Cagayan kasama ang Babuyan Islands at Apayao.
Mahina hanggang katamtaman na may posibilidad ng malakas na ulan ang iiral sa Batanes, Isabela, Kalinga, Abra at ilocos Norte.
Pinag-iingat ang mga residente sa posibilidad ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.
Mamayang gabi o bukas ng umaga ay inaasahang tatama sa kalupaan ng Northern Cagayan ang bagyo.
Bago mag-landfall ay lalakas pa ang bagyong Ramon.