Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, huling namaan ang bagyo sa layong 220 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Casiguran, Aurora.
May lakas na ito ngayon ng hanging aabot sa 75 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang bagyo pa-Kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Inaasahan itong tatama sa northern Cagayan bukas ng gabi o sa Martes ng umaga.
Dahil papalapit na sa kalupaan, nakataas ang Tropical Cyclone Warning Signal no. 2 sa Cagayan kasama ang Babuyan Islands, northern portion ng Isabela (Sta. Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Sto. Tomas, Quezon, Delfino Albano, Tumauini, at Divilacan).
Nasa ilalim naman ng Signal no. 1 ang Batanes, Ilocos Norte, Abra, Apayao, Kalinga, Mt. Province, Ifugao, Northern Aurora (Dilasag, Casiguran, at Dinalungan), at nalalabing bahagi ng Isabela.
Bukas, Lunes (Nov. 18), mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay may kalakasang mga pag-ulan ang mararanasan sa Cagayan kasama ang Babuyan Islands at Apayao.
Mahina hanggang katamtaman na may posibilidad din ng malakas na ulan ang mararanasan sa Ilocos Norte, Abra, Kalinga, Mt. Province, Ifugao, Quirino at Northern Aurora.
Pinag-iingat ang mga residente sa naturang mga lugar sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Nakataas ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga lugar na nasa storm warning signals at sa seaboard ng Northern Luzon, at eastern seaboards ng Central at Southern Luzon.
Araw pa ng Huwebes inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Ramon.
Samantala, isa pang low pressure area (LPA) ang inaasahang papasok ng PAR sa Martes at posible itong maging bagyo at papangalanang ‘Sarah’.