Binira mismo ni Energy Regulatory Commission (ERC) chairman Agnes Devanadera ang Panay Electric Company (PECO) matapos nitong palabasin na awtorisado ng ahensya ang ipinatawag nitong press conference.
Ayon kay Devanadera, walang kinalaman ang ERC sa nasabing press conference at mali na idamay dito ng PECO ang ERC.
Giit ni Devanadera, ang ERC ay independent sa pagresolba ng mga kasong nakahain sa tanggapan, malinaw umano na ang ginawa ng PECO ay panlilinlang at magdudulot lamang ng kalituhan sa publiko.
Ilang mamamahayag na nagkober ng press conference ang una nang nagtaka kung bakit “PECO ERC Pressconference” ang nakalagay sa kanilang visual presentation gayong PECO officials lamang ang haharap.
Sa media invitation ng PECO, sinabi pa nito na kanilang isasapubliko ang naging resulta ng imbestigasyon ng ERC.
Ayon kay Devanadera, natapos na ng ERC ang field inspection at data gathering sa reklamo laban sa PECO subalit ang resulta ng imbestigasyon ay nakatakda pa lamang na iprisinta ng binuong technical team sa Commission sa Lunes, Nobyembre 18.
Tiniyak ni Devanadera na sa oras na maisumite na sa kanila ang report ng technical team ay kanila agad na dedesisyunan ang reklamo sa PECO.
Ang imbestigasyon ng ERC sa PECO ay base sa naging reklamo ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa Malacañang matapos ang siyam na magkakasunud na pagkasunog ng poste ng PECO noong nakaraang buwan. Nangangamba ang alkalde na malalagay sa panganib ang may 65,000 households na umaasa sa serbisyo ng PECO kung palpak ang mga power lines nito na maaaring pagmulan ng mas malaking aberya.
Matatandaan na ang legislative franchise ng PECO ay hindi na ni-renew ng Kongreso dahil sa mga reklamo sa kanilang serbisyo, kasama na dito ang palagiang sunog sa kanilang mga poste, mga nakalaylay na mga kable, mataas na singil na umaabot ng 1000% at hindi magandang customer relations kung saan hindi natutugunan ang mga consuner complaints.
Ang PECO ay nag-operate na lamang sa bisa ng 2-year provisional Certificate of Public Convenience and Necessity(CPCP) na inisyu ng ERC, ito ang siyang transition period para mailipat ang distrubution assets ng PECO patungo sa More Power and Electric Corp. (MORE) na syang binigyan ng bagong prangkisa ng Kongreso na maging solong distribution utility sa Iloilo City.
Dahil sa panibagong insidente ng sunog sa electric poles ng PECO ay nanganganib na maging ang kanilang CPCN ay maagang kanselahin ng ERC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.