Bagyong #RamonPH, posibleng mag-landfall sa Cagayan sa Lunes ng gabi o Martes ng umaga – PAGASA
Posibleng tumama ang Tropical Storm “Ramon” sa kalupaan ng Cagayan sa Lunes ng gabi, (November 18), o Martes ng umaga, (November 19).
Ayon kay PAGASA weather specialist Ana Clauren, huling namataan ang bagyo sa layong 285 kilometers Silangan Hilagang-Silangan ng Casiguran, Aurora bandang 4:00 ng hapon.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Bahagyang bumilis ang bagyo habang tinatahak ang direksyong pa-Kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Dahil dito, nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa:
– Cagayan kabilang ang Babuyan Island
– Apayao
– Isabela
– Northern Aurora (Dilasag, Casiguran at Dinalungan)
Nakataas din ang gale warning sa mga sumusunod:
– Ilocos Norte
– Ilocos Sur
– La Union
– Pangasinan
– Batanes
– Aurora
– Quezon kabilang ang Polillo Island
– Camarines Norte
– Eastern coast ng Camarines Sur
– Catanduanes
Matapos mag-landfall, sinabi ni Clauren na posible nang humina ang bagyo sa Lunes ng gabi o Martes ng umaga at tuluyang lalabas ng bansa sa Huwebes ng hapon.
Sa susunod na 24 oras, asahang makararanas ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan sa bahagi ng Cagayan at Cordillera region.
Sa bahagi naman ng Ilocos region, apektado pa rin aniya ito ng northeast monsoon o amihan kaya posible pa rin ang mahihinang pag-ulan.
Samantala, magiging maaliwalas naman ang panahon sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao. Gayunman, sa gabi, sinabi ni Clauren na maaring umiral ang pulung-pulong pag-ulan dulot ng localized thunderstorm.
Samantala, isa pang low pressure area (LPA) ang binabantayan ng PAGASA sa labas ng bansa.
Huli itong namataan sa layong 2,210 kilometers Silangang bahagi ng Visayas bandang 2:00 ng hapon.
Nasa karagatan pa ang LPA kung kaya’t ani Clauren, posible pa itong lumakas.
Maaari rin aniya itong maging ganap na bagyo pagpasok sa Philipppine Area of Responsibility (PAR) at oras na maging bagyo at pumasok sa bansa, papangalan itong “Sarah.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.