Banta ni Pangulong Duterte kay VP Robredo na masibak bilang ICAD co-chair, paalala lang – Palasyo
Paalala lamang kay Vice President Leni Robredo ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaring masibak siya bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) kapag ipinagkalat ang mga confidential information o maseselang impormasyon sa foreign entities kaugnay sa war on drugs campaign.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na isang abogado si Robredo kung kaya batid nitong labag sa Article 229 ng Revised Penal Code ang pagbabahagi ng confidential information sa mga dayuhan dahil maari itong maging dahilan ng pagkatanggal sa kaniyang puwesto.
Umaasa aniya ang Palasyo na hindi gagawin ni Robredo ang naturang hakbang lalo na kung makokompromiso ang national security ang bansa.
Sinabi pa ni Panelo na tatawid na si Robredo sa mapanganib na lugar kung isasapubliko ang confidential information dahil lagpas na ito sa kaniyang kapangyarihan bilang co-chairman ng ICAD.
Una nang sinabi ni Robredo na kakausapin niya ang Amerika at United Nations (UN) para maging maayos ang kampanya kontra sa ilegal na droga sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.