Malakanyang, dumistansya sa pagmumura ni Locsin kay CBCP Pres. Valles
Dumistansya ang Palasyo ng Malakanyang sa pagmumura ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa ilang kagawad ng media pati na kay Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president Archbishop Romulo Valles.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na hindi na makikialam at hindi na papasukin ang away sa pagitan nina Locsin, ilang kagawad ng media at ni Archbishop Valles.
“That’s between the secretary of Foreign Affairs and to those subject of his criticism, hindi na natin papasukin yun,” pahayag ni Panelo.
Ayon kay Panelo, maaring may mga sinabi na hindi maganda ang mga minura ni Locsin kung kaya nakapagsalita ito nang hindi maganda.
“Unang una, ang isang government official hindi naman magre-react kung walang basis ng kaniyang reaction. There must be something that triggered the DFA secretary to say the things that he said,” ani Panelo.
Sinabi pa ni Panelo na man of substance at professional si Locsin kung kaya batid na nito ang kaniyang mga ginagawa.
“DFA Secretary Locsin is a man of substance. He is a professional and he knows what he is doing,” dagdag pa ni Panelo.
Una rito, malutong na mura ang inabot ni Philippine Daily Inquirer (PDI) reporter Jhesset Enano nang ibalita nitong hindi na dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga huling pagpupulong sa ASEAN Summit sa Thailand.
Hindi rin nakaligtas sa pagmumura ni Locsin si Philippine Star Marc Cayabyab nang paalalahanan nito ang kalihim kaugnay sa tamang pag-uugali ng mga government official.
Tinawag naman na “moron in a white mu-mu” at “idiot” ni Locsin si Valles nang himukin ng arsobispo ang publiko na sama-samang ipanalangin si Vice President Leni Robredo matapos tanggapin ang alok ni Pangulong Duterte na maging drug czar o co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.