Pahayag ng Capital Economics na maraming mamumuhunang negosyo kung papalitan ni VP Robredo si Pangulong Duterte, pinalagan ng Palasyo

Pumalag ang Palasyo ng Malakanyang sa pahayag ng London-based think tank na Capital Economics na mas marami pang mamumuhunan ang maglalagak ng pagnenegosyo sa bansa kung papalitan ni Vice President Leni Robredo si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa hindi magandang lagay ng kaniyang kalusugan.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo, wishful thinking ang pahayag ng Capital Economics na papalitan ni Robredo si Pangulong Duterte.

Pangingialam na naman aniya ng soberenya at pamamalakad ng Pilipinas ang ginagawa ng Capital Economics pati na ang boses ng mamamayan.

Payo ng Palasyo kay Robredo na maging maingat sa pagtanggap ng mga payo sa pag-aakalang na makatulong ay makasira lamang.

“Unang-una that is wishful thinking, pinakikialaman na naman nila ang soberenya at ‘yung tinig ng taong bayan na naghalal sa kanya overwhelmingly. Masyado silang nakikialam sa pamamalakad ng ating pamahalaan. ‘Yun ang sinasabi natin kay VP Leni na mag-ingat ka sa pagtanggap sa pagpayo sa iyo na inaakala mo na makatulong na at baka sa halip na makatulong ay baka makasira,” pahayag ni Panelo.

Mali rin aniya ang obserbasyon ng Capital Economics na naging matumal at bumagal ang foreign direct investment sa bansa mula nang maupo sa puwesto si Pangulong Duterte noong 2016.

Hindi aniya nagsisinungaling ang numero dahil base sa ulat ng economic managers ay dumami pa ang mga mamumuhunan sa Pilipinas.

“Foreign investment?.. Maling-mali sila dun, definitely. Sinasabi ng economic managers, maganda ang investment natin lalong-lalo na sa foreign,” ayon pa kay Panelo.

Read more...