WATCH: Traffic enforcer sa Maynila, kinaladkad ng isang sasakyan; Drayber, nahuli na
Sugatan ang isang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) enforcer makaraang makaladkad ng isang sasakyan sa bahagi ng Sampaloc at Santa Cruz sa Maynila, Sabado ng umaga.
Ibinahagi ng Manila Public Information Office (PIO) ang mga CCTV footage kung saan makikita ang pagharurot ng kulay gray na Mitsubishi Xpander dahilan kaya nakaladkad ang biktimang si Adrian Lim bandang 9:45 ng umaga.
Sa ulat ng MTPB, nahulog si Lim sa sasakyang minamaneho ng suspek na si Orlando Ricardo Jr. sa bahagi ng Gelinos Street malapit sa Laong-Laan Road.
Makikita pa sa video na nakabangga pa ang suspek ng nakaparadang sasakyan dahil sa pagmamadali.
Agad namang naisugod si Lim sa Jose Reyes Memorial Medical Center sa tulong ng ilang tauhan ng Philippine Red Cross (PRC).
Samantala, nahuli si Ricardo ng mga otoridad sa bahagi ng Oroquieta Street corner Tayuman Street sa Barangay 366, Santa Cruz.
Sa ngayon, nakakulong na si Ricardo sa Manila Police District Station 3 at mahaharap sa mga kaukulang kaso dahil sa serious physical injury at hit-and-run incident.
Narito ang CCTV footage na ibinahagi ng Manila PIO sa kanilang Twitter account:
WATCH: Reckless driver of Mitsubishi Xpander hits a parked vehicle; MTPB traffic enforcer still hanging on to Xpander#AlertoManileno pic.twitter.com/p3rm5MyuOy
— Manila Public Information Office (@ManilaPIO) November 16, 2019
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.