Ibinasura ng Commission on Elections (COMELEC) ang petisyon ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na humihiling kay Commissioner Rowena Guanzon na mag-inhibit sa mga disqualification cases laban sa kaniya sa COMELEC.
Lack of merit ang dahilan ng pag-basura sa nasabing petisyon ni Duterte na nakasaad sa inilabas na desisyon ng COMELEC First Division.
Ipinaliwanag rin sa tatlong-pahinang desisyon na ang grounds for inhibition na iginigiit ni Duterte laban kay Guanzon ay voluntary at hindi mandatory alinsunod sa COMELEC Rules of Procedure.
Kasama rin ng inilabas na order ay ang dalawang magkahiwalay na memorandum mula kay Guanzon na parehong may petsang January 18, kung saan iginiit niya na hindi siya mag-iinhibit sa mga kasong isinampa laban kay Duterte.
Dalawang rason ang ibinigay ni Duterte kung bakit sa tingin niya ay dapat mag-inhibit si Guanzon sa kaniyang mga kaso.
Una ay ang pagiging bias umano ni Guanzon laban kay Duterte base sa kaniyang dissenting opinion kaugnay sa kasong inihain ng broadcaster na si Ruben Castor.
Pangalawa, malapit umano si Guanzon kay Shiela Bazar na abogado umano ng isa pang nag-hain ng kaso laban sa kaniya na si UP-Diliman University Student Council Chairperson John Paulo delas Nieves.