Nasa 58 mga bisita sa isang birthday party sa bayan ng Panglao, Bohol ang naospital makaraang umanong mabiktima ng food poisoning.
Karamihan sa mga biktima ay mga kabataang mga bisita sa birthday party na pinangunahan ng pamilya Estolaga sa Purok 5, Bgy. Looc sa Panglao.
Ayon kay Sandra Estolaga, nagluto sila ng spaghetti upang ipagdiwang ang birthday ng kanyang anak na babae at ito ang ipinamahagi sa mga bisita.
Gayunman, makalipas ang ilang oras, nakaramdam na ang pananakit ng tyan at pagsusuka ang mga nakakain ng spaghetti.
Isinugod sa Gov. Celestino Gallares Memorial Hospital o GCGMH sa Tagbilaran City ang mga biktima matapos lumala ang pagsusuka ng mga ito at ang ilan ay nakaranas pa ng lagnat at pagdudumi.
Noong Biyernes, 85 mga estudyante rin ng Teresita Elementary School sa bayan ng Ubay, Bohol ang nakaranas ng food poisoning makaraang kumain ng ‘ampaw’ sa paaralan.