Malaki umano ang nabawas sa itinatagal ng byahe ng mga sumasakay sa mga bus dahil sa ipinairal na striktong implementasyon ng ‘yellow lane’ o bus lane sa EDSA Shaw hanggang Guadalupe.
Ayon kay Rey Arada, pinuno ng EDSA Special Traffic and Transport Zone ng MMDA, kapansin-pansin ang pagbilis ng takbo ng mga pampublikong bus sa EDSA partikular sa rush hour sa umaga.
Dahil aniya sa ipinairal na bus lane, nabawasan ng 30 minuto ang byahe ng mga bumabaybay sa southbound lane ng EDSA.
Dahil aniya dito, naniniwala si Arada na naging epektibo ang kanilang pagtatangkang mapabilis ang pagbyahe ng mga gumagamit ng pampublikong transportasyon sa naturang lansangan.
Dahil din aniya sa paghihiwalay ng pampubliko at pampribadong sasakyan partikular sa bahagi ng Guadalupe at Shaw Blvd. na bahagi ng EDSA, gumanda rin ang daloy ng trapik para sa mga pribadong sasakyan.
Samantala, ayon naman kay Highway Patrol Group director Chief Supt. Arnold Gunnacao, karamihan sa mga reklamong kanilang tinanggap sa unang araw ng implementasyon ng bus lane ay mula sa mga driver ng mga pribadong sasakyan.
Sa unang araw ng implementasyon, nasa sampung pribadong motorist at isang bus ang kanilang nahuli at natiketan.