Apat sa 20 bus na kunwaring sinasakyan ng mga delegado para sa 30th Southeast Asian Games (SEAG) ang naipit sa trapiko sa EDSA sa dry run ng traffic plan na isinagawa araw ng Huwebes.
Ang mga bus na galing ng Makati; Maynila; Pasay at Muntinlupa ay tumungo sa Philippine Arena sa Bulacan para sa kunwariang opening ceremony ng SEA Games.
Ginamit ng mga convoy ang yellow lane sa EDSA at 16 ang nakarating sa oras at apat ang nahuli.
Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, isa sa mga naging problema ay ang mga pribadong sasakyan na nakipagsiksikan sa yellow lane.
Ito ay kahit nauna nang nag-abiso ang MMDA na gagamitin ang yellow lane para sa mga convoy.
“Naging problema po namin dito ‘yung mga private vehicles na nakikipagsiksikan dito sa yellow lane, which is nauna na po nating naging advisory na ang yellow lane po ay imamaximize para po sa ating mga convoys,” aniPialago.
Ilan din sa mga pribadong motorista ang bumuntot sa mga convoy na ayon kay Pialago ay hindi dapat ginagawa.
“Nagkaroon tayo ng mga adjustment sa yellow lane. Talagang puno pa rin ng pribadong sasakyan. Sa yellow lane, hindi po pwedeng sundan ang convoy lalo na’t (very important persons) ang mga sakay natin”, giit ni Pialago.
Sinubukan sa traffic simulation ang stop-and-go scheme kung saan pinatitigil ang mga bus at pribadong sasakyan kapag lulusot ang comvoy.
Samantala, tiningnan din kung makakaresponde nang wala pang limang minuto sakaling naaksidente ang convoy.
Ayon sa security task force team, nakarating sa loob lamang ng 3 minuto ang ambulansya.
Sakaling malubha ang pinsala sa driver, ililipat ang mga delegado sa ibang bus.
Ang 30th SEA Games ay idaraos sa November 30 hanggang December 11.
LOOK: Police conduct simulation exercise ahead of 2019 Sea Games. Police conduct safety procedures after a bus accident. @inquirerdotnet pic.twitter.com/RgiZHmv7Px
— Consuelo Marquez (@CMarquezINQ) November 14, 2019