Bumaba na sa kaniyang pwesto si suspended Makati City Mayor Junjun Binay.
Ito ay matapos mabigo si Binay na agad makakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) at writ of preliminary injunction mula sa Court of Appeals (CA) 10th division.
Sa halip na mag-isyu ng TRO at injunction order ang CA, binigyan nito ng sampung araw ang Office of the Ombudsman para maghain ng komento sa petisyon ng kampo ni Binay.
Ayon kay Binay, hindi niya kayang tiisin na patuloy na may masaktan sa kaniyang mga tagasuporta at patuloy na maabala ang mga transaksyon sa Makati City Hall.
“Dahil hindi ko kayang tiisin na mayroon pang masaktan, hindi ko kayang tiisin ang mga karahasan, na ang mga mamamayan natin ay naaabala, kahit labag sa aking puso, ako po ay pansamantalang lilisan sa ating City hall,” sinabi ni Binay.
Nangako naman si Binay sa kaniyang mga tagasuporta na hindi pa magwawakas ang laban.
“Hindi rito natatapos ang laban natin. Hindi po namin kayo iiwan. Masakit man, kailangan nating gawin.,” dagdag pa ni Binay.
Katunayan sinabi ni Binay na ang pasya ng CA na pasagutin ang Office of the Ombudsman sa loob ng sampung araw ay hindi nangangahulugan hindi sila pinaburan ng korte.
Sa resolusyon ng CA, 10 araw lamang ang ibinibigay sa Omdbusman para maihain ang komento sa petisyon ng kampo ni Binay, at pagkatapos ay mayroon namang 5 araw ang kampo ni Binay para sagutin ang isusumiteng komento ng Ombudsman./ Ruel Perez
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.