100-day maternity leave, aprubado na sa Senado

By Kathleen Betina Aenlle January 19, 2016 - 12:20 AM

 

Mula sa Google

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang Senate Bill No. 2982 o mas kilala na Expanded Maternity Leave Law of 2015 na naglalayong dagdagan ang araw ng maternity leave para sa mga empleyado sa private at public sectors.

Ngayong naaprubahan na ito ng Senado, mula sa 60 days sa mga government employees at 60 hanggang 78 days sa mga nasa pribadong sektor na naka-depende pa sa mode of delivery, 100 araw na ang maaari nilang i-file na maternity leave anuman ang mode of delivery.

Ipinunto ni Sen. Pia Cayetano na chairperson ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality at sponsor ng panukala, ang kasalukuyang bilang ng araw para sa maternity leave ay mas mababa pa sa 98-day minimum requirement na nakasaad sa Intenational Labor Organization (ILO).

Dagdag pa ni Cayetano, napag-iiwanan na ang Pilipinas ng ibang mga bansa sa ASEAN region kung ang maternity leave duration ang pag-uusapan.

Ayon kasi sa Senadora, ang Vietnam ay may 120-180 days ng maternity leave depende sa nature of work, 112 days sa Singapore, habang sa Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Myanmar at Thailand ay 84 days.

Sa ganitong paraan ani Cayetano, mas mabibigyan ng sapat na panahon ang mga ina para maibalik ang kanilang lakas at maayos na kalusugan, pati na rin para magampanan muna ang kanilang mga tungkulin sa kanilang bagong silang na anak bago tuluyang bumalik sa trabaho.

Mabibigyan rin nito ng sapat na tulong pinansyal ang mga nanay habang sila ay naka-maternity leave at hindi makapagtrabaho.

Nakasaad rin sa panukala na maaring mag-avail ang mga nanay ng karagdagang 30 araw ng maternity leave, pero walang bayad, basta sasabihan niya ang kaniyang pinagtatrabahuhan 45 days bago matapos ang kaniyang regular na maternity leave.

Sa mga empleyado sa pribadong sektor na pakikinabangan ang kanilang maternity leave at benefits ay dapat makatanggap ng hindi bababa sa two-thirds ng kanilang regular na buwanang sahod.

Hindi naman kasama sa mga obligadong magbigay ng cash benefits ang mga employers ng mga establisyimentong mas mababa pa sa sampung katao ang empleyado.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.