Senado pinagtibay ang Resolution ng pagkilala kay LJM

By Den Macaranas January 18, 2016 - 07:42 PM

LJM Senate
Inquirer file photo

Isang Senate Resolution ang pinagtibay sa Senado bilang pagkilala sa naging ambag sa Philippine Journalism at katatagan ng ating Republika ng Editor-in-Chief ng Philippine Daily Inquirer na si Letty Jimenez-Magsanoc.

Sa kanilang Senate Resolution No. 1699, sinabi nina Senate President Franklin Drilon, Loren Legarda at Koko Pimentel na hindi matatawaran ang naging bahagi ni LJM sa pagsusulong ng malayang pamamahayag sa bansa.

Labing-siyam na mga Senador ang lumagda sa nasabing Resolution na sinaksihan ng mag-anak ng namayapang Editor-in-Chief ng Philippine Daily Inquirer.

Si Letty Jimenez-Magsanoc o LJM sa kanyang mga ka-trabaho ay nagsimula bilang mamamahayag noong siya’y nasa Kolehiyo pa lamang.

Taong 1969 nang siya’y maging staff writer ng Manila Bulletin kung saan nahasa ang kanyang husay sa pamamahayag sa pamamagitan ng pahayagan.

Naging Editor siya ng Philippine Panorama mula 1976 hanggang 1981 kung saan ay naging bahagi ng kanyang advocacy ang pagsusulong ng malayang pamamahayag noong panahon ng diktadurya.

Mula 1983 hanggang 1986 ay naging tagapamahala siya ng Mr. and Ms Special Edition samantalang taong 1985 naman nang maging bahagi siya ng pagtatag ng Philippine Daily Inquirer.

Taong 1991 hanggang 2015, si LJM ang naging Editor-in-Chief ng Philippine Daily Inquirer kung saan ay hawak niya ang record ng may pinakamahabang panahon ng panunungkulan bilang Punong-Patnugot ng isang pahayagan sa bansa.

December 24 2015 nang mamatay si LJM sa edad na 74.

TAGS: LJM, PDI, Senate Resolution, LJM, PDI, Senate Resolution

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.