Inireklamo ng kasong graft o katiwalian sa Office of the Ombudsman si Social Security System President and Chief Executive Officer Emilio de Quiros Jr. at walong ibang pang opisyales ng ahensya.
Ayon kay dating Technical Education Skills Development Authority (Tesda) Director General Augusto “Buboy” Syjuco, ginawa niya ang pagsasampa ng reklamo para katawanin ang milyun-milyong na mga kasapi at pensioners ng SSS.
Sinabi ng dating opisyal na may kinalaman ito sa umano’y matataas na suweldo at bonuses ng mga namumuno sa SSS pero walang maibigay na benepisyo para sa miyembro.
Kabilang din sa inireklamo at pinai-imbestigahan ni Syjuco sa anti-graft body ang mga miyembro ng Social Security Commission na sina Michael Victor Amurong, Juan Santos, Diana Pardo-Aguilar, Rosalinda Baldoz, Daniel Edralin, Bienvenido Laguesma, Ibarra Malonzo at Eva Arcos.
Sinabi naman ng pamunuan ng SSS na nakahanda silang sagutin ang lahat ng mga isyu na may kinalaman sa pondo ng mga miyembro.
Nauna dito ay nagbanta rin ang ilang militanteng grupo na kanilang kakasuhan ang nasabing mga opisyal dahil sa umano’y pagpapabaya sa pondo ng mga kasapi ng SSS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.