Cagayan nakahanda na sa hagupit ng Bagyong #RamonPH
Hindi pa man nakakabangon mula sa mga pagbaha na dulot ng Bagyong Quiel, naghahanda na ang Cagayan para sa inaasahang hagupit ng Tropical Storm Ramon.
Batay sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, malaki ang tyansa na tumama ang bagyo sa Cagayan-Isabela area sa Sabado.
Dahil dito, inanunsyo ng Cagayan Provincial Information Office na mamayang alas-10:00 ng umaga ay magpapakawala na ng tubig sa Magat Dam.
Ito ay habang mababa pa ang lebel ng tubig sa Tuguegarao at maiwasan ang pinsala sa buhay at ari-arian sa pagtama ng bagyo sa Sabado.
Mula sa kasalukuyang 191 meters mean sea level (msl) ay ibaba mamaya ang antas ng tubig sa Magat Dam sa 189 meters msl.
Naka-red alert na rin ang rescue teams ng provincial government.
Patuloy din ang repacking ng relief items hindi lamang sa mga naapektuhan ng nagdaang pagbaha kundi para na rin sa maaapektuhan ng paparating na bagyo.
Ayon kay Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Head retired Colonel Atanacio Macalan, kailangan ang ganitong kaagang paghahanda dahil natural namang dinadaanan ng bagyo ang kanilang lalawigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.