Humakot ng mga parangal ang Philippine Daily Inquirer (PDI) sa katatapos lamang na 41st Catholic Mass Media Awards (CMMA) Night sa Teatro ng GSIS, Pasay City, Miyekules ng gabi.
Nakuha ni Mark Alvic Esplana ang ‘Best News Photograph’ dahil sa kanyang larawan na pinamagatang ‘Packed with Devotion’.
Makikita sa naturang news photograph ang nag-uumapaw na debosyon para sa ina at patrona ng Bicolandia, ang Birhen ng Peñafrancia.
Inuwi naman ni Ador Vincent Mayol ang ‘Best Special Feature’ para sa ‘Battle vs Cyberporn’.
Wagi bilang ‘Best Business Column’ ang ‘All in the Family ni Queena Lee Chua.
Itinanghal na ‘Best Editorial Cartoon’ ang ‘Family Business’ ni Albert Rodriguez.
Habang ang ‘Public Lives’ ni Randy David ang nagwagi bilang ‘Best Opinion Column’.
Ang prestihiyosong Catholic Mass Media Awards na nasa ika-41 taon na ay kumikilala sa mga estudyante, propesyonal, at media organizations na nagtataguyod ng Christian values sa mga Filipino sa pamamagitan ng mass communication.
Halos taun-taong nagwawagi ang Inquirer group sa naturang parangal.