Kasabay ng paglapit ng Tropical Storm Ramon sa bansa, nag-convene na ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno bilang paghahanda sa pananalasa ng bagyo.
Sa pulong araw ng Miyerkules, pinayuhan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council-Pre Disaster Risk Assessment (NDRRMC-PDRA) Core Group ang publiko na magsagawa ng precautionary measures habang papalapit ang Bagyong Ramon.
Tinukoy ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang 420 na mga barangay sa Regions I, II, V at CAR na delikado at may banta ng pagbaha at landslides.
Pinayuhan ang mga residente sa naturang mga lugar na mag-antabay sa abiso ng mga local DRRM offices at magmonitor sa posibleng pagguho ng lupa.
Ipinayo ng grupo na lumikas sa mas mataas na lugar ang mga nakatira malapit sa ilog at ibang coastal areas.
Ipinayo rin ang hindi paglalayag ng mga sasakyang pandagat na nasa ilalim ng tropical warning wind signals partikular sa seaboards ng Northern Luzon at eastern seaboards ng Central at Southern Luzon.
Ayon naman kay Social Welfare Undersecretary Felicisimo Budiongan, naka pre-position na ang 294,650 Family Food Packs sa 17 field offices ng ahensya.
Naka-standby na rin ang non-food items na nagkakahalaga ng mahigit P684 million.
“We are ready for this storm and all disaster councils are prepared,” pahayag ni Budiongan.
Samantala, nag-abiso si Director Edgar Tabell ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na maghanda sa posibleng paglikas lalo na iyong mga nsa landslide at flood-prone areas.