Welcome development para kay Anak Mindanao Rep. Amihilda Sangcopan ang pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi na palawigin ang Batas Militar sa Mindanao.
Ayon kay Sangcopan, nakikita na ang resulta nang pagkakapasa sa Bangsamoro Organic Law.
Pagkakataon din anya ito ng mga opisyal ng local government units na patunayan ang kanilang sarili sa pagpapatupad ng peace in order sa kanilang mga lugar.
Sinabi ni Sangcopan na umaasa sila na pamamagitan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at hindi na talaga kakailanganin ang martial law sa kanilang lugar.
Bagkus, ang dapat anyang paigtingin ay ang pagbabalik sa normal ng sitwasyon sa Mindanao at ang pagpapatupad ng kasunduan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front at pamahalaan ng Pilipinas.
Kung si Lanao del Sur Rep. Abdullah Dimaporo naman ang tatanungin mahalaga na muling palawigin ang batas-militar sa Mindanao.
Ayon kay Dimaporo, bihira na lamang ang nagaganap na rido o gantihan ng kanyang mga kapwa Muslim dahil sa matinding seguridad na ipinapatupad ng militar.
Nalimitahan anya ang pagdadala ng baril sa Mindanao dahil sa martial law.
Tuloy umano ang kanilang pagsuporta sa pananatili ng martial law sa rehiyon.
Ipinaliwanag ni Dimaporo kapag hiniling na ng pangulo ang martial extension ay hindi siya magdadalawang isip upang suportahan ito.