Sen. Francis Tolentino hinahanap sa Defense 2020 budget ang pondo para sa pagpapatayo ng mga karagdagang naval stations
Sa paglalatag ng 2020 budget ng Department of National Defense (DND) sa Senado, inungkat ni Senator Francis Tolentino ang kawalan ng pondo para sa pagpapatayo ng mga karagdagang naval stations sa ilang bahagi ng bansa.
Si Sen. Panfilo Lacson, ang namumuno sa Senate Committee on National Defense, ang nag i-sponsor ng hinihinging P258 bilyon pondo ng DND sa susunod na taon.
Kinuwestiyon ni Tolentino sa pamunuan ng DND at AFP ang kawalan ng pondo para sa pagkakaroon ng naval chain sa Pilipinas gayung tumitindi ang tensyon sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Ipinagdiinan ng senador ang paulit-ulit na insidente na may mga pumapasok na Chinese vessels sa teritoryo ng Pilipinas ng walang paalam sa ating gobyerno.
Nangangamba ito na maulit ang mga kahalintulad na insidente dahil walang naval chain sa bansa.
Una nang inihain ni Tolentino ang Senate Bill 1143 o ang Philippine Archipelagic Defense Act, na layon mapaglaanan ng pondo ang pagkakaroon ng naval chain mula Batanes hanggang Tawi Tawi.
Giit pa nito panahon na para muling kilalanin sa Asya ang defense capability ng AFP sa pamamagitan ng modernong tanggulang pambansa.
Naglilingkod at aktibong reserve officer ng Philippine Army si Tolentino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.