Mga baril na ginamit sa terror attack sa Jakarta galing sa Pilipinas

Indo attack
AP photo

Kinumpirma ng pamahalaan ng Indonesia na galing sa Pilipinas ang mga baril na ginamit ng mga terorista sa kanilang ginawang pag-atake sa Jakarta noong isang linggo.

Sinabi ni National Police spokesman Anton Charliyan na base sa kanilang imbestigasyon ay kanilang napatunayan na galing sa Pilipinas ang ginamit ng mga suspek sa naganap na pag-atake.

Bukod sa mga namatay na suicide bomber ay may mga nakuha rin silang baril na galing sa Pilipinas sa kanilang ginawang sunud-sunod na pag-salakay sa mga pinaniniwalaang kuta ng mga teroristang nasa likod ng terror attack.

Sa kabuuan, sinabi ng opisyal na aabot sa siyam na mga baril ang kanilang nakuha sa mga suspek subalit tumanggi siyang ibigay ang iba pang detalye sa nasabing mga armas.

Magugunitang umabot na sa walo ang bilang ng patay sa naganap na pag-atake kung saan lima sa mga ito ay pinaniniwalaang kasapi sa Islamic State (I.S) samantalang nasa mahigit naman sa 20 ang mga sugatan na nasa mga pagamutan.

Dahil sa nasabing pangyayari, ipinagutos na ng pamahalaan ng Indonesia ang mahigpit na pagbabantay sa kanilang borders para maiwasan ang smuggling ng mga iligal na armas sa kanilang bansa.

Read more...