Ipinasasara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang apat na open dumpsites sa Pampanga.
Ayon sa DENR, nilabag ng dumpsites sa Bacolor, Porac at San Fernando ang Clean Air Act dahil sa pagsusunog ng hazardous wastes.
Noong Lunes, nagsagawa ng surveillance ang Solid Waste Division ng DENR at nadiskubre ang dami ng mga nakakalat na basura.
Pero kahapon, Martes ng umaga, nag-inspeksyon ang DENR officials at halos hindi na makita ang mga basura dahil natabunan na ang mga ito ng lupa.
Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, nadiskubre nila ang nakatambak na hospital waste gaya ng diapers, gasa, syringe, gamot, pinaggamitan ng dextrose at iba pa.
“May mga diapers, may mga syringe tayong nakita, and of course mga packaging ng mga gamot nakita rin natin and ‘yung pang-dialysis na mga tube doon, nakita rin natin. Ang masakit, iniipon ipon nila ‘yung basura then sinusunog nila,” ani Antiporda.
Mapanganib anya ang pagbaon sa naturang mga basura ay dahil kapag umulan ay magkakaroon ang mga ito ng katas na pupunta sa deep well at maiinom naman ng mga residente.
“Ang kinakatakutan natin is kapag umulan, magkaroon ng katas, mag-leak ‘yan. Pupunta ‘yan dun sa ating deep well and of course maiinom ito ng mga kababayan diyan,” dagdag ng opisyal.
Nangako naman si Rio Villafania ng Bacolor municipal environment office na tatalima sa kautusan ng DENR at hahanap ng bagong lugar na paglilipatan ng mga basura.
Pero sa isang pahayag, iginiit ni San Fernando Mayor Edwin Santiago na hindi dumpsite ang mayroon sila kundi City Transfer Station.
Naglinaw din ang City Environment and Natural Resources Officer Regina Rodriguez na walang open dumpsite sa lungsod at ang kanilang transfer station ay aprubado ng DENR Region 3.
Binigyan ng DENR ang mga alkalde ng Bacolor, Porac at San Fernando ng pitong araw para isumite ang kanilang action plan para sa dumpsites.
Sakaling hindi makatalima ang mga akalde ay magsasampa ng reklamo ang DENR laban sa mga ito.