Dating kaklase ni PNoy kabilang sa JBC shortlist para sa SC

By Dona Dominguez-Cargullo January 18, 2016 - 03:01 PM

Caguioa
Inquirer file photo

Isa ang dating kaklase ni Pangulong Benigno Aquino III at ngayon ay Justice Sec. Benjamin Caguioa sa mga nakakuha ng mataas na boto mula sa Judicial and Bar Council (JBC) para sa papalit sa nabakanteng pwesto sa Korte Suprema.

Inilabas ngayong araw ng JBC ang shortlist matapos ang isinagawang nilang botohan.

Si Caguioa, kasama sina Court of Appeals Justices Andres Reyes at Jose Reyes ay pawang nakakuha ng tigpi-pitong boto mula sa mga miyembro ng JBC.

Si dating Commission on Auidit (COA) Chairperson Maria Gracia Pulido-Tan naman ay nakakuha ng 5 boto, habang si Justice Apolinario Bruselas na mula din sa Court of Appeals ay nakakuha ng 4 na boto.

Lima lamang ang isinama sa shortlist ng JBC mula sa labinganim na mga nominado at aplikante para sa bakanteng pwesto sa SC.

Ang nasabing shortlist ay isisumite kay Pangulong Aquino na siya namang pipili ng itatalaga na bagong SC justice kapalit ng nagretirong si Associate Justice Martin Villarama.

Si Villarama ay nag-avail ng early retirement epektibo noong January 16 dahil sa kaniyang kalusugan.

Si Caguioa ay dating kaklase ni PNoy sa grade school at college sa Ateneo de Manila University.

Iniwan ni Caguioa ang pribadong sektor para magsilbi sa pamahalaan bilang chief presidential legal counsel.

TAGS: Aquino, Caguioa, JBC, Justice, Aquino, Caguioa, JBC, Justice

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.