Malacañang: Duterte magtratrabaho sa bahay ng may ‘passion’ at ‘dedication’

Iginiit ng Palasyo ng Malacañang na puno ng sigla at dedikasyon pa rin na magtratrabaho si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kanyang bahay sa Davao City.

Sa press briefing araw ng Martes, ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na kahit nasa bahay ang presidente ay marami pa rin itong trabaho.

“Sa bahay muna siya. Madami siyang backlog ‘di ba? Madami siyang paper work, madami siyang babasahin,” ani Panelo.

Sinabi pa ng kalihim na gustong-gusto ni Duterte na magtrabaho at gagawin nito ang kanyang mandato nang may buong sigla at dedikasyon.

“Like the man that he is, he really wants to work for as long as he is the President. He will perform his duty to the fullest and with passion and dedication,” dagdag ni Panelo.

Aminado naman si Panelo na mas magiging magaan ang workload ni Duterte habang nasa Davao.

Ipinaliwanag pa anya ni Duterte kay Lucio Tan na sa bahay ay mas makakapagpahinga siya kapag tapos ng trabaho kaysa kapag nasa Malacañang.

“Siguro he wants to lessen his work para wala masyadong distraction but he will be working. As he explained it to Mr. Lucio Tan, nagkukuwento siya kagabi eh. ‘Kasi at least sa bahay,’ sabi niya, “’pag tapos na ang trabaho, I can rest.’ Hindi iyong ‘pag nandito ka sa opisina sa—sa bahay sa Davao. Unlike here, eh talagang maraming distraction, hindi ka makakapahinga talaga,” kwento ni Panelo.

Tiniyak naman ng kalihim na maayos ang kalusugan ng presidente.

Una nang inanunsyo ni Panelo noong Lunes na magpapahinga ng tatlong araw si Duterte at si Executive Secretary Salvador Medialdea muna ang hahalili sa trabaho nito.

 

 

Read more...