Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 585 kilometro Silangan ng Borongan City, Eastern Samar.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbusong aabot sa 70 kilometro bawat oras.
Ayon sa PAGASA, sa loob ng 24 oras, inaasahang lalakas pa ang bagyo at magiging isang Tropical Storm.
Nakataas pa rin ngayon ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa Eastern Samar at Silangang bahagi ng Northern Samar.
Bukas (Nov.13), inaasahan ang mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay may kalakasang mga pag-ulan sa Bicol Region at Northern Samar.
Mahina hanggang katamtaman na may bugso rin ng malalakas na ulan ang mararanasan sa Eastern Samar, Samar, Romblon, Marinduque at Southern Quezon.
Sa Huwebes (Nov. 14), mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay may kalakasang mga pag-ulan ang mararanasan sa Isabela, Aurora, Quirino, Northern Quezon kasama ang Polillo Islands at Camarines Norte.
Mahina hanggang katamtaman na may bugso rin ng malalakas na ulan ang mararanasan sa Cagayan, Nueva Vizcaya, Romblon, Marinduque nalalabing bahagi ng Bicol Region at Quezon.
Pinapayuhan ang mga residente sa delikadong mga lugar sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupan.
Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal pa rin ang paglalayag sa mga baybaying dagat sa mga lugar na nasa signal no. 1 at sa seaboards ng Northern Luzon, eastern seaboards ng Central Luzon, Southern Luzon at Visayas.