Nakatakdang i-auction ng Iloilo City Government sa December 12 ang may P106M real estate ng Panay Electric Company (PECO) para makabayad ito sa malaking tax liability mula noong 2006.
Ayon kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang pag-auction sa ari-arian ng PECO ay solusyon sa problema sa koleksyon ng siyudad sa kumpanya na nagdaan na sa 3 mayor at ilang demand letters na din ang naipadala subalit hindi pa rin nagbabayad ang kumpanya.
Simula 2018 ay hindi na binigyan ng business permit ng Iloilo City ang PECO kaya nag o-operate ito nang walang permit na paglabag din sa inisyu ng Energy Regulatory Commission(ERC) na provisional Certificate of Public Convenience and Necessity(CPCN).
Ayon kay Treñas, kabilang sa kanilang ia-auction ay ang mga lupa kung saan nakatayo ang mga poste ng kuryente ng PECO.
Bukas sa sinuman ang gagawing auction kung saan ang lowest bid ay P106, 881, 685.33 na syang kabuuang utang ng PECO sa LGU.
Hindi naman pinalagpas ni Treñas ang pagsasabi ni PECO Administrative Manager Marcelo Cacho na maliit na isyu lamang ang isinampang reklamo ng alkalde sa Malacañang at ERC.
Ang ipinaabot na reklamo ni Treñas sa Malacañang ay kaugnay sa 9 na magkakasunod na sunog sa poste ng PECO noong Oktubre 19 at 21 na kung hindi naagapan ay maaaring ikadamay ng mga kabahayan.
Una nang nagpadala ng technical team ang ERC sa Iloilo City upang suriin ang mga poste ng kuryente ng PECO para na rin sa kaligtasan ng may 65,000 households na sinusuplayan ng kuryente ng PECO.