Binalaan ng mga kongresita ang pagpapasara sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chair at Albay Rep Joey Salceda, hindi maaaring nagnenegosyo ang mga ito sa Pilipinas na hindi naman nagbabayad ng buwis.
Sinabi ni Salceda na suportado nya ang mungkahi ni House Minority Leader Bienvenido Abante Jr. na huwag pahintulutan ang POGO operations kung tutol ang mga ito magbayad ng kanilang buwis kasama dito ang kanilang mga empleyado.
Sa panukala ni Salceda ay direktang mapupunta sa Bureau of Internal Revenue(BIR) ang ibabayad na buwis sa operasyon ng POGO at hindi lamang sa PAGCOR.
Sa pagtaya ng mambabatas Kikita ng halos P50B ang pamahalaan sa loob ng isang taon kapag naging batas ang panukala upang buwisan ang POGO.
Sa ilalim ng House Bill 5267 ni Salceda, 5 percent ang ipapataw na franchise tax sa POGO at aabot sa P20 billion ang kikitain dito ng pamahalaan sa loob ng isang taon.
Target din ng panukalang ito na singilin ng withholding tax ang mga empleyado ng POGO, kung saan inaasahan namang makakalikom ng P24 billion sa loob ng 12 buwan.
Bukod dito, sisingilin din ng corporate income tax ang mga service providers ng POGO licensee na aabot naman ng P1 billion.
Iginiit ni Salceda na sa panukala niyang ito ay maitatama ang maling interpretasyon sa Presidential Decree 1869 o ang PAGCOR Charter.
Noong 2017, P175 million lamang ang nokolekta ng BIR mula sa mga POGO, P579 million noong 2018, at mula nitong Enero hanggang Setyembre naman ay nasa P1.8 billion pa lamang.