Panukala para suportahan ang mga naulila ng mga hukom at mahistrado, pinamamadali sa Kamara

Hiniling ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu sa liderato ng Kamara na gawing prayoridad ang pagpasa sa panukala na naglalayong bigyan ng ayuda ang asawa at mga anak ng mga mahistrado, hukom at iba pang opisyal ng hudikatura na napapatay dahil sa kanilang trabaho.

Ginawa ni Abu ang apela matapos tambangan at mapatay noong nakaraang linggo si Tagudin, Ilocos Sur RTC Judge Mario Anacleto Bañez.

Sabi ng kongresista, palaging nariyan ang banta ng pag-atake sa mga opisyal ng hudikatura dahil sa mga sensitibong kasong hinahawakan nila.

Sa ilalim ng House Bill 2088 ni Abu, tatanggap ng buwanang pensiyon ang biyuda at mga anak ng napatay na huwes dahil sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

Naniniwala ang kongresista na sa pamamagitan ng panukalang ito ay mae-engganyo ang mga hukom at mahistrado na magbigay ng hustisya nang walang kinatatakutan.

Base sa tala ng Amnesty International, mula 1999 hanggang 2012, nasa 22 huwes ang napatay sa Pilipinas o dalawa kada taon.

Read more...