Kapos na electrification program ng DOE pinuna ni Senator Sherwin Gatchalian

INQUIRER Photo
Nagpahayag ng kanyang pagkabahala si Senator Sherwin Gatchalian sa hindi pagkakatupad ng Department of Energy (DOE) sa programa na magkaroon ng kuryente sa mga liblib na lugar ng bansa.

Ayon kay Gatchalian, maraming lugar pa rin sa bansa ang walang kuryente hanggang sa kasalukuyan.

Binanggit ng senador na base sa 2018 Commission on Audit (COA) report, sa 450,000 kabahayan na target na kabitan ng kuryente ng DOE noong nakaraang taon ay 77,121 lamang o 17.14% ang natupad.

705 na sitio lamang ang nabigyan ng kuryente ng National Electrification Administration o NEA mula sa dapat sana’y 1,259 hanggang noong nakaraang September 30.

Bunga nito, inanunsiyo na ni Gatchalian na ngayon nagsimula na ang budget deliberations, bubusisiin niya ang 2020 budget ng DOE at NEA.

Ang DOE ay hihingi ng P2.3 billion na pondo kung saan P500 million ay para sa Total Electrification Program (TEP).

Ang NEA naman ay nagpapanukala ng P14.147 billion na budget kung saan P1.5 billion dito ay mapupunta sa TEP nito, kabilang na ang Sitio Electrification Program (SEP).

Nangangamba si Gatchalian na mauwi lang sa ‘pork’ ang inihihirit na pondo ng dalawang ahensiya.

Aniya kung mayroon lang national unified strategy for electrification, hindi magdududa ang taumbayan kung saan napupunta ang inilalaan pondo para sa mga proyekto.

Read more...