Malasakit Center bill aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado
Naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang Senate Bill No. 1076 o ang Malasakit Center Act of 2019.
Layunin ng naturang panukalang batas ni Senator Bong Go na gawing institutionalize na ang paglalagay ng Malasakit Centers sa lahat ng 73 ospital na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health (DOH).
Kung mayroon kasing Malasakit Center ang isang ospital, mas mapapadali sa mga pasyente at kanilang kaanak ang paglapit at pag-aasikaso sa mga ahensya ng gobyerno gaya ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), DOH, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Nagpasalamat si Go sa mga kasamahan sa Senado dahil ginawang prayoridad ang Malasakit Center bill at naging isa sa mga batas na maagang naipasa ng 18th Congress.
Maging ang mga ahensya ng gobyerno na katuwang sa mga naitayo nang Malasaki Centers sa bansa ay pinasalamatan din ng senador.
Ayon kay Go, mayroon na ngayong 50 Malasakit Centers sa buong bansa, at umabot na sa 160,000 ang pasyenteng naserbisyuhan nito.
Sa ilalim din ng Senate Bill No. 1076, ang mga ospital na pinatatakbo ng local government units (LGUs) at iba pang pagamutan ay maari ding magtayo ng Malasakit Centers basta’t maaabot nila ang standard set of criteria at magagarantiya ang pagkakaroon ng pondo.
“With the Malasakit Center Act in place to complement the Universal Health Care Law, we are a step closer towards making quality health care more accessible and affordable for all Filipinos, especially the indigent and poor patients in need of medical assistance from the government,” ayon kay Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.