Autopsy report: PMA 4CL Cadet Mario Telan Jr. namatay dahil sa pagkalunod
Pagkalunod ang dahilan ng pagkamatay ni Philippine Military Academy 4th Class cadet Mario Telan Jr. batay sa autopsy report ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory.
Ayon pa kay Baguio City Police Director P/Col. Allen Rae Co, walang indikasyon na nagpapakita ng foul play sa pagkamatay ni Telan.
Ayon naman kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo, tinitingnan na ngayon ang posibleng pananagutan ng class marcher at dalawang swimming instructor ng PMA.
Ito ay dahil hindi nagsagawa ng accounting ang ‘class marcher’ kung kaya’t hindi napansin na may nawawalang kadete.
Nalaman na lamang anya na wala si Telan nang magsisimula na ang isa pang aktibidad.
Kaugnay nito, hinihingian na ang paliwanag ang dalawang swimming instructors kung bakit hindi sila dapat panagutin sa insidente.
Sa CCTV, makikitang isa sa apat na kadeteng lumusong sa swimming pool si Telan bandang 11:28 ngunit tatlo lang ang umahon.
Posibleng sa naturang oras na nalunod ang kadete.
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang Palasyo ng Malacañang sa pagkamatay ni Telan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, dapat magkaroon ng reassessment ang military instructors sa kanilang protocols upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang trainees.
“We’re bothered by the death of another plebe who could be an outstanding military officer if he were able to finish his course. The military instructors especially on the swimming side should reassess their protocols so that they can provide safety to their trainees,” ani Panelo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.