Joma kay Duterte: Mag-resign na at ibigay ang pwesto kay Robredo

Sinabihan ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria “Joma” Sison si Pangulong Rodrigo Duterte na magbitiw na lamang at ipaubayan ang pwesto kay Vice President Leni Robredo.

Ayon kay Sison, naapektuhan na ang kalusugan ni Duterte ng matagal nang pag-inom ng gamot na fentanyl.

Ang fentanyl ay “highly addictive and deadly synthetic opioid” na iniimon bilang pain killer.

Sinabi ng CPP founder na mas mabuti para sa pangulo na magbitiw at ibigay ang kanyang pwesto kay Robredo bago anya ito mamatay o lalong malulong sa fentanyl.

Ayon pa kay Sison, nakaapekto na sa katawan at isipan ng pangulo ang pag-inom nito ng naturang gamot.

“It is better for him to resign and yield his office to his Vice President before he dies or continues to languish in bed with his joyful fentanyl,” ani Sison.

Ang pahayag ni Sison ay kasunod ng abiso ng Malakanyang na tatlong araw magpapahinga ang pangulo, bagay na nilinaw kalaunan na magtatrabaho pa rin ang presidente sa Davao City.

Matatandaan na inamin ng pangulo ang pag-inom ng fentanyl dahil sa pananakit mula sa spinal injury na nakuha nito sa aksidente sa pagmomotorsiklo.

Noong nakaraang buwan lamang ay napaaga ng uwi ang pangulo mula sa biyahe nito sa Japan dahil sa matinding sakit sanhi ng pagsemplang sa motorsiklo.

 

Read more...