Treaty-making powers’ ng Senado sa EDCA, binalewala ng SC – Santiago
Mistulang tinanggalan ng ‘treaty-making powers’ ng Supreme Court ang Senado nang pagtibayin nito na hindi nangangailangan ng Senate approval ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ito ang pananaw ni Sen. Miriam Defensor-Santiago hinggil sa katwiran ng Supreme Court na hindi naman isang treaty ang EDCA kundi isang “implementing agreement” ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Ayon kay Santiago, tahasang nilabag ni Pangulong Noynoy Aquino ang Saligang Batas nang makipagkasundo siya na magpapasok ng mga dayuhang militar at mga kagamitan dito sa Pilipinas nang wala mang lang Senate treaty.
Aniya, sinasalungat ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng Senado sa ganitong isyu dahil maliwanag na nakasaad sa Konstitusyon na walang kasunduan ang maaring maisabatas nang walang Senate concurrence.
Giit niya, ito’y tila pagpayag ng Kataas-taasang Hukuman na tawagin ng Pangulo ang isang kasunduan sa ibang pangalan para isa-walang bahala ang Senado.
Ang ganitong kasunduan aniya ay isang paglabag sa Section 25 ng Article 18 sa Saligang Batas kung saan nakasaad na hindi dapat pahintulutan ang mga dayuhang base militar, mga tropa o pasilidad nang walang Senate concurrence.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.