Albayalde retired na sa PNP, humiling na huwag bigyan ng retirement honors
Pinili ni dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde na huwag mabigyan ng retirement honors.
Kahapon, (November 8), epektibo na ang mandatory retirement ni Albayalde matapos maabot ang edad na 56.
Sa press briefing sa Camp Crame, ipinaliwanag ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na hiniling mismo ni Albayalde na huwag mabigyan ng retirement honors.
Kadalasan naman anya kasi itong nagaganap sa change of command rites na hindi naman nangyari dahil napaaga ang pagbibitiw sa pwesto ng dating PNP chief noong October 14.
Ang pagbitiw sa pwesto ni Albayalde ay sa gitna ng isyu ukol sa kanyang kaugnayan sa kwestyonableng drug raid sa Pampanga noong 2013 kung kailan siya pa ang provincial director.
“We did not have retirement honors because this is just optional and General Albayalde opted not to avail of it. Normally, it is held simultaneously with the turnover ceremony. However, the President has yet to appoint a new PNP chief,” ani Banac.
Samantala, sinabi naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary and spokesperson Jonathan Malaya na makatatanggap pa rin ng lahat ng benepisyo si Albayalde.
Paliwanag ni Malaya ito ay maliban na lamang kung may kasong administratibo na isasampa laban sa dating PNP chief.
Wala rin kasi anyang epekto sa retirement benefits ni Albayalde ang kasong kriminal na isampa ng Department of Justice (DOJ).
“Until and unless a case is filed against him, but that is of course without prejudice to the filing of criminal cases which have already been filed with the DOJ. Pending na yun doon but that has no bearing on his retirement,” ani Malaya.
Kabilang sa mga kinahaharap na reklamo ni Albayalde ay ang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, qualified bribery, falsification of public documents, perjury at dereliction of duty.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.