Quiboloy kay Vice Ganda: ‘Baka pati ‘yong network mo stop na ‘yan’
Kumasa sa hamon ni Vice Ganda si Pastor Apollo C. Quiboloy.
Magugunitang pabirong hinamon ng komedyante ang nagpakilalang ‘Appointed Son of God’ na pahintuin ang airing ng seryeng ‘Probinsyano’ at ang matinding trapiko sa EDSA.
Ang hamon ni Vice ay matapos sabihin ni Quiboloy na napahinto niya ang mga lindol sa Mindanao.
Sa episode ng programang Spotlight sa Sonshine Media Network International (SMNI) Huwebes ng gabi, sinabi ni Quiboloy na tinatanggap niya ang challenge.
Pagmamalaki ng pastor, baka hindi lang primetime series ni Coco Martin ang mapahinto niya kundi maging ang buong ABS-CBN.
Tanong pa ni Quiboloy, kailan ba gusto ni Vice na matupad ang hamon.
“Lindol lang ung pina stop ko eh dumating pa yung challenge na ipa-stop ko daw ‘yong Probinsyano o kaya ‘yong sa EDSA. Kailan mo ba gustong mapa-stop ang Probinsyano?” ani Quiboloy.
“Ikaw, mamili ka, kelan mo ba gustong ma stop? Isang buwan? Dalawang buwan? Tatlong buwan? Apat na buwan? Ikaw, pili ka. Baka sa apat na buwan ‘di lang ‘yong Probinsyano ang ma-stop, baka pati ‘yong network mo stop na yan,” dagdag nito.
Ang babala ni Quiboloy ay sa gitna ng isyu sa franchise renewal ng TV network.
Halos higit apat na buwan na lang o sa March 30, 2020 ay expire na ang prangkisa ng ABS-CBN.
Sa hamon namang pahintuin ang trapiko, sinabi ni Quiboloy na mali ang sinabi ni Vice Ganda.
Dapat anyang ang hamon ay pabilisin ang trapiko sa EDSA dahil nakahinto na ito ngayon.
“…Sinabi mo na pahintuin ko ang traffic sa EDSA, paano ko pahihintuin, nahinto na! Ang dapat mong sinabi, pabilisan, pabilisan ang traffic, let traffic flow, e. Paano ko pahintuin, e, nakahinto na nga, e,” ani Quiboloy.
“Naging parking lot na nga ang EDSA, e, nakahinto na. Paano ko pa pahihintuin ang nakahinto na? Hindi siguro yun ang right word na sinabi mo. Pabilisin. Ipabilis ang traffic, ang traffic flow ipabilis sa EDSA,” dagdag nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.