Reklamo ng mayor ng Iloilo City laban sa isang electric cooperative, iniimbestigahan ng ERC
Tiniyak ng Energy Regulatory Commission (ERC) na masusi nilang iimbestigahan ang reklamo ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa Palasyo ng Malakanang kaugnay sa paglabag sa safety standard ng Panay Electric Co. (PECO).
Ayon kay ERC spokesman Atty. Rexie Digal, dadaan sa due process ang reklamo laban sa PECO subalit kung mapapatunayan na nagpapabaya ang kumpanya sa kanilang serbisyo ay maaaring kanselahin ang kanilang provisional certificate of public convenience and necessity (CPCN).
Sinabi nito na nakaraang Miyerkules ay sinimulan na ng ERC ang imbestigasyon kung saan unang sumalang sa pagtatanong ang Bureau of Fire Protection (BFP) kaugnay sa naganap na siyam na magkakasunod na sunog sa mga poste ng PECO sa pagitan ng Oktubre 19 at 21 na nagdulot ng mga blackout.
Naobliga na si Treñas na sa Malakanyang na ipinaabot ang reklamo sa PECO upang agad itong maaksyunan, nangangamba ang alkalde sa magkakasunod na insidente ng sunog na maaaring mauwi pa sa mas malaking aberya.
Sinabi ni Treñas na may disciplinary powers ang ERC laban sa mga reklamo sa PECO sa ilalim ng Republic Alct No. 9136 o Electricity Power Industry Reform Act (EPIRA).
Samantala, pinasisilip din sa ERC ni More Electric and Power Corp. (MEPC) President Roel Castro ang posibleng pananabotahe ng PECO para mapigilan ang full transition ng pagtakeover ng MEPC sa distribution service ng kumpanya.
Ang PECO ay nag-ooperate na lamang sa bisa ng inisyung temporary CPCN ng ERC matapos na hindi i-renew ng Kongreso ang legislative franchise nito matapos ang may 95 taong operasyon dahil na rin sa reklamo ng mga consumer sa kanilang lumang mga distribution system gaya ng tabinging mga electric poles, nakalaylay na electricity lines, over-billing na tumataas ng hanggang 1,000 porsiyento at palpak na customer service.
Ang CPCN ay inisyu ng ERC para masigurong hindi maantala ang pagbibigay ng kuryente sa may 65,000 consumers ng PECO habang isinasagawa ang dalawang taong transition period para tuluyang mailipat ng PECO sa MEPC ang operasyon nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.