14 kilo ng marijuana nasabat sa anti-illegal drug operations sa QC

File Photo

Timbog ang tatlong lalaki sa buy-bust operation ng pulisya sa Brgy. Novaliches Proper, Quezon City, Huwebes ng gabi.

Ayon kay Police Lt. Elmer Rabana ng Kamuning Police Station, nalamang nagbebenta ng droga ang mga suspek gamit ang social media.

Nagkasa ng buy-bust laban sa tatlo at nakuhaan ng 2 kilo ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P240,000.

Pero kalaunan, isa sa mga suspek ay umaming may nakatago pang mga bloke ng marijuana sa nirerentahan niyang sasakyan.

Agad na nagkasa ng follow-up operation ang Kamuning Police at nakuha ang isang backpack na naglalaman ng 12 kilo ng marijuana at tinatayang nagkakahalaga ng P1.4 milyon.

Ayon sa umamin na suspek, napilitan siyang isuko ang mga droga dahil ayaw niyang madamay ang buntis na asawa.

Inaalam ngayon ng pulisya kung miyembro ang mga suspek ng isang malaking drug syndicate group dahil sa dami ng marijuana na nakumpiska mula sa kanila.

Nais naman ng pulisya na mahigpitan ang mga polisiya sa social media platforms dahil nagagamit na ang mga ito sa iligal na transaksyon.

Read more...