Bagyong #QuielPH napanatili ang lakas, mabagal pa ring kumikilos sa WPS
Napanatili ng Severe Tropical Storm Quiel ang lakas nito habang kumikilos sa nang mabagal sa direksyong Kanluran Timog-Kanluran.
Ayon sa 5am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 380 kilometro Kanluran Hilagang-Kanluran ng Coron, Palawan.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 110 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 135 kilometro bawat oras.
Ayon kay weather forecaster Ezra Bulquerin, posibleng lumakas pa ang bagyo sa loob ng 24 oras.
Lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) mamayang gabi o bukas ng umaga (Nov. 9).
Ngayong araw, dahil sa tail-end of a cold front, makararanas ng makulimlim maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Ilocos Norte, Apayao at Cagayan.
Maulap pa rin ang kalangitan sa nalalabing bahagi ng Northern Luzon na may posibilidad pa rin ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Dahil naman sa Bagyong Quiel, iiral din ang makulimlim na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Palawan at Western Visayas.
Maalinsangang panahon ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng bansa na may posibilidad ng mga pag-ulan sa hapon o gabi dulot ng localized thunderstorms.
Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng mga sumusunod na lugar:
– Batanes
– Babuyan
– Northern Coast ng Cagayan
– Ilocos Norte
– Ilocos Sur
– La Union
– Pangasinan
– Zambales
– Bataan
– Cavite
– Western coast ng Batangas
– Occidental Mindoro
– Palawan
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.