Ayon kay Cagayan public information officer Rogie Sending, ang dalawang nasawi ay bunsod ng pagkalunod at gumuhong lupa sa Claveria.
Nabaon nang buhay sa lupa si Augusto Antiagan, 39 anyos at sugatan din ang anak niyang si Ashley 13 anyos, matapos mabagsakan ng gumuhong pader ng kanilang bahay.
Nalunod naman ang 10 anyos na batang si Eljhay Dallego.
Ayon kay Sending, tatlong-araw nang walang tigil ang pag-ulan sa Cagayan at walong munisipalidad ang lubog sa baha.
Sinabi ni Cagayan Gov. Manuel Mamba na idineklara na ang state of calamity sa Claveria at Alacapan.
Baha rin anya ang mga bayan ng Santa Praxedes, Baggao, Sanchez Mira, Gonzaga at Ballesteros.
Nagdeklara na ng suspensyon ng klase sa naturang mga lugar.
Batay sa datos ng Office of the Civil Defense – Cagayan, aabot na sa 854 pamilya o 3,520 katao ang naapektuhan ng pagbaha sa 40 baranggay sa Cagayan.