Severe TS #QuielPH napanatili ang lakas, halos hindi pa rin kumikilos sa WPS
Napanatili ng Severe Tropical Storm Quiel ang lakas nito habang hindi pa rin halos kumikilos sa ibabaw ng West Philippine Sea.
Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 375 kilometro Kanluran Hilagang-Kanluran ng Coron, Palawan.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 110 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 135 kilometro bawat oras.
Inaasahan pa itong lalakas at magiging Typhoon sa loob ng 24 oras at nananatili namang mababa ang tyansang tumama sa kalupaan ng bansa.
Ayon sa weather bureau, sa Sabado pa lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo.
Ngayong gabi hanggang bukas ng gabi (Nov. 8), mahina hanggang katamtaman na paminsan-minsan ay may kalakasang mga pag-ulan ang mararanasan sa Cagayan kasama ang Babuyan Islands at Apayao.
Mahina hanggang katamtaman na may bugso rin ng malalakas na ulan ang iiral sa Kalinga, Ilocos Norte, Palawan, Mindoro Provinces, Aklan at Antique.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga mabababang lugar na mag-ingat sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng mga pag-ulan.
Samantala, nakataas ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa northern at western seaboards ng Luzon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.