Pinagbabaril ang DYSR FM radio broadcaster na si Dindo Generoso nang hindi pa nakikilalang riding-in-tandem, Huwebes ng umaga.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Atty. Jacqueline Ann de Guia, tagapagsalita ng CHR, na ang dumaraming bilang ng pag-atake sa mga miyembro ng media ay sumasalamin sa bumababang espasyo para sa freedom of speech at expression.
Dapat aniyang paigtingin ng gobyerno ang aksyon para maprotektahan ang kaligtasan at kalayaan ng mga mamamahayag.
Hinikayat din ni de Guia ang Philippine National Police (PNP) at lokal na gobyerno na siguruhing mahuhuli ang mga responsable sa krimen.
Nakiramay naman ang ahensya sa pamilya ng biktima.
Nangako pa ang CHR na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa kaso.