Ayon kay Brig. Gen. Eric Vinoya, commander ng Joint Task Force Negros, kasinungalingan ang sinasabi ng Makabayan Bloc na legal na opisina ng mga grupo ang mga sinalakay ng mga pulis at sundalo.
Diin nito, propaganda lang ang mga pahayag ng CPP–NPA para makakuha ng simpatiya.
Katuwiran pa ni Vinoya, walang permit ang mga opisina, walang signages sa labas at wala rin sa directory ang kanilang mga address at hindi rin ito matagpuan online.
Dagdag pa ng opisyal, mas madalas na sarado ang mga tinatawag na underground houses dahil dito itinatago ang mga armas at ang kanilang mga sugatang miyembro.
Patunay nito, ang pagkaka-aresto ng kanilang front leaders, pagkakadiskubre ng mga baril at pagkakasagip ng mga bagong recruit na kabataan sa mga sinalakay na opisina.