Sean Penn aminadong takot na bweltahan ng grupo ni El Chapo

By Den Macaranas January 16, 2016 - 04:29 PM

sean penn2
Rolling Stone website

Sa kauna-unahang pagkakataon ay sinabi ng Oscar winning-actor na si Sean Penn na nanganganib ang kanyang buhay dahil idinawit siya ng Mexican President sa pagkaka-aresto sa drug lord na si Joaquin “El Chapo” Guzman.

Sa interview ng talk show host na si Charlie Rose, ipinaliwanag ni Penn na sadyang sinabi ni Mexican President Enrique Peña Nieto na ang ginawa niyang interview kay El Chapo ang naging instrumento para mahuli ang lider ng Sinaloa Drug Cartel.

Aminado si Penn na pinagsisihan niya ang nasabing interview sa ngalan ng Rolling Stone Magazine sabay ang paliwanag na ang layunin niya ay mabuksan ang isang makabuluhang diskurso kaugnay sa lawak ng drug problem sa mundo.

Binanggit din ni Penn na hindi kasabwat sa sindikato ang aktres na si Kate del Castillo at ang naging papel lamang nito ay maging coordinator para sa nasabing interview.

Dahil sa pahayag ng pangulo ng Mexico, sinabi ni Penn na posible siyang gawing target ngayon ng mga tauhan ni El Chapo.

Sa panayam ni Penn na inilathala ng Rolling Stone, ipinaliwanag ni Guzman ang lawak ng kanyang drug trade pati na ang pagpapasok nila ng illegal drugs sa Estados Unidos.

Sinabi ni Guzman na minsan sa kanyang buhay ay naging numero uno siyang producer at exporter ng heroin, marijuana at ilan pang iligal na droga sa mundo gamit ang kanyang Sinaloa Drug Cartel.

Noong buwan ng Hulyo ay nakatakas si Guzman sa kanyang high-tech na kulungan sa Mexico at noong nakaraang linggo naman ay muli siyang nahuli makaraan ang madugong operasyon sa kanyang pinagtataguang lugar.

Kinatatakutan sa Mexico ang grupo ni El Chapo dahil sa lawak ng kanilang impluwensya pati na sa mga otoridad at pulitika.

TAGS: El Chapo, Mexico, Peña Nieto, Rolling Stone, Sean Penn, Siniloa, El Chapo, Mexico, Peña Nieto, Rolling Stone, Sean Penn, Siniloa

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.